Tagalog na Sanaysay Tungkol sa Wika
Sanaysay Tungkol sa Wika
Wika ang pinakamagandang regalo ng Maykapal sa kanyang mga nilalang. Ito ang tanging kasangkapan ng tao sa pakikipag-ugnayan niya sa kapwa, sa asosasyon, sa institusyon at maging sa dakilang Bathala. Malaki ang nagagawa ng wika sa pagkakaroon ng magandang unawaan, ugnayan at mabuting pagsasamahan.
Kung wala ang wika, paano kaya magkakaintindihan ang mamamayan, paano kaya mapabibilis ang pagsulong ng kaunlaran at paano kaya mapalalapit ang tao sa isa’t isa? Sa bawat isang tanong at marami pang kasunod na katanungan, hindi sapat ang senyas, drowing, ang kulay, ang krokis, ang ingay o anumang paraang maaaring likhain ng tao upang matugunan ang lahat ng mga katanungan. Sa lahat ng ito, kailangan ng tao ang wika.
Kahit na anumang anyo , pasulat o pasalita, hiram o orihinal, banyaga o katutubo, wika ang pinakamabisang sangkap sa paghahatid ng diwa at kaisipan at sa pagpapanatili sa madali o mahabang panahon ng mga naliko na tala, pangkasaysayan o pampanitikan, pampolitika at panlipunan, pansimbahan o pangkabuhayan at maging sa larangan ng siyensya o ng iba pang displina. Maging ang kultura ng isang panahon, pook o bansa ay muling naipahayag sa pamamagitan ng wika.
Naipadarama ng wika ang sidhi ng damdamin, ang lalim ng lungkot, ang lawak ng galak, ang kahalagahan ng katwiran, ang kabutihan ng layunin, ang nakapaloob na katotohanan sa isang intension, ang kaibuturan ng pasasalamat at paghanga at ng iba pang nais na iparating ng sinuman.
Wika pa rin ang pinakamahalagang sangkap sa anumang paraan ng mabisang pakikipagtalastasan at komunikasyon.