Ang blog na ito ay naglalaman ng mga tagalog na sanaysay na may uri na pormal o di-pormal. Mangyaring makipag-ugnayan sa sumulat sa pamamagitan ng pag-iiwan ng mensahe kung nais ninyong gamitin ang mga sanaysay sa Filipino. Maraming salamat.

Sanaysay Para sa Linggo ng Wika 2011

Komposisyon Tungkol sa Wika

Kahalagahan ng Wikang Filipino
ni: J

Malinaw na ang wika ay isang mahalagang kasangkapan na ginagamit upang maiparating ang mga nasasaloob na ideya at damdamin ng isang tao. Hindi lamang ito isang paraan ng pakikipag-usap niya sa kapwa kundi ginagamit din niya upang makipagkaibigan, makipagtalakayan at maibahagi ang kanyang iba’t ibang opinyon at kaisipan. Sa buong kasaysayan, maraming mga bagay, sitwasyon at pangyayari na tumutukoy sa kahalagahan ng wika sa mga tao, sa kanyang kapaligiran at higit lalo na sa kanyang bansa.

Ang wika ay hindi lamang kumakatawan sa isang tao. Ito ay hindi lamang isang sasakyan para sa pagpapahayag ng mga sariling saloobin, opinyon, mga personal na obserbasyon at halaga ng kanyang mga katangian bagkus ay isang sisidlan na siyang nagpapahayag ng mga aspeto ng isang komunidad o bansa. Ang wika ay kumakatawan din sa pangunahing pagpaparating sa iba ng panlipunang pagkakakilanlan. Sa maikling salita, ang wika ay tumutulong na mapanatili ang mga damdamin ng kultura, sining at pagkabansa ng isang bayan.

Ang wikang Filipino, na siyang pambansang wika sa Pilipinas ay ang wikang ginagamit sa lahat ng sulok ng bansa. Ito ang nagsisilbing sinturon upang maitali ang mga mamamayan upang maging isa sila sa kanilang mga diwa, pangarap at kalsadang tinutugpa. Mahirap na isipin kung walang sariling wika na magiging daan upang magkabuklod-buklod ang mga hiwa-hiwalay na isla ng Pilipinas. Maaaring magdulot ito ng mga kaguluhan at hindi pagkakaunawaan.

Kahit na sa anumang anyo, sa pamamagitan man ng pagsusulat o pagsasalita, ang wika ang pinakamabisang paraan upang maihatid ang mga kaisipan at mapanatili sa madaling hakbang ang kasaysayan at mga tala ng mga sinaunang Pilipino. Sa ganitong pagkakataon, malalaman ng mga kasalukuyang mamamayan ang mga hakbangin na ginawa noong una upang maituloy ito sa mabuting paraan at maiwasan ang mga hindi magagandang pangyayari noon. Ito ang ilaw na magiging tanglaw ng mga Filipino upang mapabuti pa ang mga gawain. Ito rin ang magsisilbing lakas upang maisakatuparan ang mga naudlot na pangarap noong simula pa.

Sa paglipas ng panahon, mapatutunayan na ang wika ang siyang pinakamahalagang sandata upang maiparating ng isang bansa sa kanyang mga mamamayan ang mga pangyayari, kasaysayan at bahagi ng ekonomiya nito. Gayundin naman na ang wika ang siyang sentro ng mga mamamayan upang maihugos sa kanilang pamahalaan ang kanilang mga hinaing.

Naipadarama ng isang tao sa pamamagitan ng kanyang sariling wika ang kasidhian ng kanyang damdamin, ang lalim ng kanyang pagkatao, ang katangian ng kanyang ginagalawang kapaligiran, ang lawak ng kanyang kultura at sining, ang kabihasaan niya sa anumang larangan at ang katotohanan ng kanyang pag-iral. Sa kabuuan, ang wika ang nagsisilbing kaparaanan upang maging isang ganap na tao ang isang tao at maging isang ganap na bansa ang isang bansa.

Linggo ng Wika Theme 2011 - "Ang Filipino ay Wikang Panlahat, Ilaw at Lakas sa Tuwid na Landas.”

Sanaysay sa Filipino – Pananaliksik
Tagalog na Sanaysay Para sa mga Guro
Sanaysay sa Filipino na Di-Pormal

0 comments:

Post a Comment

  © Blogger template Webnolia by Ourblogtemplates.com 2009

Back to TOP